bc

Pretenders in Love

book_age16+
1.8K
FOLLOW
5.4K
READ
contract marriage
sensitive
independent
confident
boss
bxg
lighthearted
city
office/work place
small town
like
intro-logo
Blurb

Kung may pagpipilian lang si Yssa, hindi siya uuwi sa Sto. Cristo. Kahit na nga ba kasal iyon ng stepsister niyang si Diane. Iyon nga ang mabigat na dahilan. Diane was going to marry Jonathan, her ex... er, sa mas eksaktong salita, he was her former fiancé.

Mike, her best friend wanted her to go. Dahil hindi daw puwedeng walasiya sa okasyon iyon na dapat at present ang buong pamilya. Kung hindi lang awkward ang sitwasyon, natural gusto din niyang daluhan ang ganoong okasyon. Nag-suggest ito na samahan siya sa pag-uwi at magpanggap silang engaged. He even gave her an engagement ring as proof of their so-called relationship. What a moral support coming from a man best friend!

Ngayon nga ay maya't maya ang tingin niya sa suot na singsing. Bagay sa daliri niya ang napakagandang singsing na iyon na hindi rin maikakaila ang kalidad. Kaya lang, may panghihinayang din siyang nararamdaman sa tuwing maiisip niyang pagkukunwari lang ang lahat.

chap-preview
Free preview
Part 1
“MAX’S na naman!” reklamo ni Yssa. Sa loob ng linggong iyon ay pangatlong beses na silang manananghalian ni Mike sa Max’s Restaurant. “Bakit ka nagrereklamo? Ikaw ba ang pinagbabayad ko?” ngisi sa kanya nito habang ipinapasok ang susi sa ignition. Ilang saglit pa at mabilis nang tumatakbo ang itim na Musso nito sa EDSA. “Hindi nga,” ungol niya. “Kaya lang, pakiramdam ko, amoy-spring chicken na ako.” Pabirong dumukwang sa kanya ang binata. Suminghot. “Hindi pa naman, ah! Pero malapit na.” Binuntutan nito ng tawa ang sinabi. Malapit lang sa opisina nila ang restaurant. Bago pa mauwi sa usual na bangayan ang issue na iyon ay pinababa na siya nito habang humahanap ng espasyo sa parking lot. Nakaorder na rin siya ng paborito niyang pagkain nang lumapit ito sa mesa. Nakataas ang kilay niyang iniabot dito ang menu. Alam niya, hindi na naman kailangan iyon. Kilala na nga sila ng mga waiters doon sa dalas ng pagpunta nila. “Okay pala ito, ah! Ngayon ko lang naisipang orderin.” Matapos ang dalawang sunod na subo sa potato salad ay saka lang kumibo si Mike. “Here, taste it.” Nasa tapat na ng bibig niya ang kutsarita at wala siyang choice kung hindi ang tanggapin iyon. “Huwag ka nang magsalita riyan. If I know, kung mga sampung beses lang na dito tayo kakain, puro iyan ang oorderin mong dessert,” aniya nang malulon ang isinubo. “Sungit!” pabirong singhal nito sa kanya. “Sa lahat ng sekretarya, ikaw ang matapang na sagut-sagutin ang boss mo.” “Sa lahat din naman ng boss, ikaw ang masuwerte sa sekretarya mo. Biro mo, wala akong reklamo. Kahit saan mo ako dalahin, bow lang ako nang bow.” “Magastos ka naman. Hindi kita mapakain sa turu-turo.” She rolled her eyes. “Excuse me. Ang alam ko ay ikaw itong sosyal. Ni hindi ka nga kumakain ng nakakamay.” “Here we go again,” buntunghininga ni Mike na tila sumusuko na. “Walang-katapusang sumbatan.” “At sino ang nagsimula? Not me, for all we know.” “All right, you win.” Dinampian na nito ng table napkin ang bibig at kinuha sa wallet ang card. Ilang sandali pa ay palabas na sila ng restaurant. Nasa basement parking na sila ng Agustin Building nang may maalala siya. “Mike, may meeting ka nga pala nang one-thirty.” Halata ang guilt sa tono niya. “What?” gulat na wika nito. “My Yssa,” iiling-iling na bulong nito at saglit siyang nilingon. “Sorry, nakalimutan ko,” aniyang iniiwas dito ang tingin. “Sa boardroom lang naman ang venue. Weekly meeting with the department heads.” “Hindi ba every Thursday natin iyon ginagawa? Wednesday pa lang ngayon.” “You have an emergency meeting with the board of directors tomorrow. Ang papa mo ang nagpatawag niyon.” “At ngayon mo lang sinabi sa akin?” May himig na ng galit sa tono nito. At kapag ganoon ang boses ni Jose Miguel Agustin ay nakakalimutan niyang magnobyo sila. Mas nagiging matining ang katotohanang subordinate siya nito. Hindi na siya kumibo. Kahit mag-sorry siya ay hindi makakabawas sa pagbabago ng mood nito. The least she could do was to shut up for a while. Showroom ang buong ground floor ng Agustin Building. Sa isang gilid niyon ay ang elevator. Ang ibang palapag ay pinauupahan bilang office spaces. Deretso na siya sa kanyang mesa na nasa makalabas ng pribadong opisina ni Mike nang makarating sa eleventh floor. Penthouse na ang kasunod niyon. Iyon na rin ang ginagawang bahay ni Mike kapag tinatamad itong umuwi sa mansion ng mga Agustin sa Valle Verde. Tumingin siya sa kanyang relo. Limang minuto pa bago mag-ala-una. Hindi naman siya tali sa oras. Pribilehiyo niya iyon bilang little boss. Mula sa drawer ay kinuha niya ang pouch bag na naglalaman ng beauty and hygiene paraphernalia at nagpunta sa CR. She was fresh as the morning sun nang bumalik siya sa mesa pagkatapos ng sampung minuto. Dinatnan niya si Mike na nakaupo sa kanyang mesa. Nakaharap sa computer. Lihim siyang napangiti. He seemed helpless. Parang hindi alam ang gagawin ngunit ang totoo ay hinihintay lang siya nito. Kapag ganoong nakatitig lang ito at walang pinipindot kahit na space bar ay walang mag-iisip na nasa balikat nito ang buong responsibilidad ng Agustin Enterprises. Sila ang major supplier ng heavy equipment parts sa malaking parte ng Luzon. At bukod doon ay may higit sa isandaang heavy equipments at dump trucks ang pinarerentahan sa iba’t ibang building contractors. Agustin Enterprises was a family corporation. Mga nakababatang tiyuhin ni Mike ang nakaupo bilang directors ngunit sa binata ang pinakamataas na posisyon. Buhay pa ang lolo nitong si Senyor Miguel. Ngunit hindi na ito nakikialam sa pamamalakad sa kompanya. Nagretiro na ito sa pag-upo sa executive desk. Ang concern lang nito ay himasin at bugahan ng usok ang mga alagang manok. He had been living in the farm for years now. Kay Mike ibinigay ng amang si Don Jose ang pamamahala sa kompanya bilang nag-iisang anak. Si Mike lang din ang kaisa-isang apong lalaki at nagkataong una pang sumulpot sa mundo. It was his uncle’s failure and disappointment na hindi ito nabiyayaan ng anak na lalaki. Kaya bata pa lang si Mike ay hinasa na ito sa pamamalakad ng negosyo. Yssa met him when she was still in college. Nasa huling taon siya sa kursong Marketing Management at nagsasagawa ng thesis. It was an accident na nakatagpo niya si Mike. Wala nga siyang ideya na ito pala ang big boss. Ang akala niya ay trainee lang ito doon. Mike was wearing a plain polo shirt and slacks. Ang anyo nito ay kagaya ng sa mga kaklase niyang nag-o-OJT. Guwapo at boyish ang dating nito at nakikipagbiruan sa isang empleyado nang mabungaran niya. Malakas ang appeal ng mga mata nito. Malalantik ang pilik na halos ika-insecure niya dahil siya ay gumagamit pa ng eyelash curler. Sinadya niyang ito pa ang pagtanungan niya tungkol sa padalang referral letter ng kanyang professor dahil nagka-crush siya agad dito. At hindi niya matandaan kung napahiya siya o na-amuse nang matantong si Mike mismo ang hinahanap niya. Mike gave her everything she needed about her thesis. Before her research was over, inalok siya nitong maging OJT trainee sa kompanya to her regret. Tapos na siyang mag-practicum. After graduation, umuwi siya sa Sto. Cristo. That was the time she met Jonathan. Anak ng mayor sa kanilang bayan ang lalaki at maraming babae ang nangangarap na pansinin nito kaya nang siya ang pag-ukulan ng pansin ay ganoon na lang ang kasiyahan niya. Theirs was a whirlwind romance. Nakalimutan na niya ang maghanap ng trabaho nang alukin siya ni Jonathan ng kasal. All she knew was she was in love. Ngunit sa mismong araw ng pamamanhikan nito sa kanila ay nagpasya siyang umurong na lang. Napabuntunghininga siya. “Ang lalim n’on, ah!” pansin ni Mike na nilingon siya. “Ilabas mo nga iyong file ng sales last month. Pag-aaralan ko. Bubugbugin na naman ako nina Uncle sa meeting kapag hindi nasiyahan sa sales ang mga iyon.” Napangiti siya. “Hindi ka na galit sa akin?” “Hindi na. Konti na lang.” “May konti pa? Masama iyan. Dagdag-dalahin mo pa iyan sa dibdib. Alis diyan. Paano ko mailalabas iyong hinahanap mo kung nakabara ka riyan?” “Sige, dalhin mo na lang sa loob.” Tumayo na ito at anyong aalis na nang pumihit uli. “Hoy, Yssa, abuso ka na, ha?” pabulong na wika nito. “Marinig ka n’ong ibang empleyado, isiping kayan-kayanan mo ang boss mo.” Pinandilatan niya ito ng mga mata. “Alam na nila iyon. Matagal na!” Saglit lang at naibigay na niya rito ang hinahanap na file. Nang bumalik siya sa mesa ay paparating naman ang messenger. Ilang correspondence ang inilapag nito sa mesa niya ngunit ang mas nakatawag sa kanya ng pansin ay ang cream envelope. Malaki iyon na tila imbitasyon. Iyon ang una niyang dinampot at nagtaka pa siya nang mabasang pangalan niya ang nakasulat sa sobre. Kunot-noong binuksan niya iyon. At lalong lumalim ang gatla sa kanyang noo nang mabasa ang nilalaman. Imbitasyon iyon ng kasal ni Diane. Stepsister niya ito at halos kaedad niya, matanda lamang siya ng ilang buwan. Nang magkapangasawahan ang mga magulang nila ay elementary pa lang sila ni Diane. Hindi na siya nagtaka nang malaman kung sino ang groom. Walang iba kundi si Jonathan mismo. Ipinagtataka pa nga niyang umabot din ng ilang taon bago nagdesisyon ang mga ito na magpakasal. May ilang sandaling pinakiramdaman niya ang sarili. Hindi niya matukoy kung ano ang mararamdaman. Hinihintay niya ang pamilyar na sakit. Ngunit parang wala na. Babasahin na lang niya ang nakaipit na sulat nang may lumapit sa kanyang babae. Halimuyak pa lang ng pabango nito ay kilala na niya. Rush. “Hello, Yssa!” bati nito ngunit hindi na nag-abalang huminto man lang. Deretso na itong pumasok sa kuwarto ni Mike. Naiiling na tinanaw na lang niya si Lovely. She was indeed lovely. Sosyal na sosyal itong manamit. Aral ang bawat kilos nito at walang dudang maganda. And she was Mike’s current fling. Fling. Iyon ang tawag niya sa mga babaeng napapa-ugnay kay Mike. Alam ni Mike iyon at wala naman itong sinasabi. Sa tatlong taong pagiging magkaibigan nila at pagtatrabaho niya sa kompanya nito ay dumating at umalis ang mga babae sa buhay nito. Dalawa lang ang mangyayari. Iwanan ni Mike ang mga ito o ito mismo ang iwanan ng mga babae. Women came and went. At isa man sa mga babaeng iyon ay hindi niya nakitang ininda nito nang mawala. Siguro, kung Max’s Restaurant ang magsasara, malulungkot si Mike, naisip niya. Baka mamatay si Mike kapag hindi nakakain ng spring chicken sa loob ng isang linggo! Napangiti siya sa naisip. Ngunit bago pa siya mahuli ng mga taga-Administrative Department na ngumingiting mag-isa ay nagyuko na siya ng ulo at binasa ang hawak na sulat. Galing iyon sa mama niya. At mahigpit ang bilin nitong umuwi siya sa mahalagang okasyong iyon sa buhay ni Diane. Parang gusto niyang magtampo. Nakalimutan na ba ng mga ito na ang lalaking mapapangasawa ni Diane ay ang mismong lalaking dapat ay asawa na niya ngayon? Hindi ba naisip ng mga ito na baka masakit pa rin sa kanya ang nangyari noon? Apat na taon nang hindi siya umuuwi sa Sto. Cristo. Kahit na anong okasyon ay pilit niyang inignora. Ni hindi niya ma-imagine ang sarili na tutuntong muli sa lugar na iyon, lalo pa ngayong ikakasal si Diane. Parang binigyan niya ng bagong putahe ang mga tagaroon. Ang simpleng buhay nila ay nawalan ng kasimplehan mula nang mapaugnay siya kay Jonathan. At lalo pa ngayong matapos ang relasyon nila ay stepsister naman niya ang naging kapalit. Magpipiyesta ang mga tsismoso at tsismosa sa kanila. At nakatitiyak siyang walang inaabangan ang mga ito kung hindi ang pagdating niya. Nag-iisip siya kung ano ang idadahilan sa ina. Wala siyang balak na umuwi sa Sto. Cristo. Kung uuwi siya ay iyong dahil handa na siya at hindi dahil pinagbibigyan lang niya ito. At isa pa ay hindi niya gustong makita si Jonathan. “Yssa, mukha kang naengkanto,” puna ni Mike nang lumabas ng silid. Kabuntot nito si Lovely. Magsasalita sana siya ngunit mas maagap ang binata. “We’re going out. Sandali lang.” “May meeting ka—” “Tell them I’ll be back before two. Ipahanda mo muna ang mga reports nila.” Wala na siyang nagawa. He was the boss. Sinundan na lang niya ang mga ito ng tingin habang papalayo. At bago ganap na mawala sa paningin niya ang mga ito ay nakita niyang kinawit na nito ang maliit na baywang ni Lovely. Para pa siyang nagulantang nang tumunog ang direct line ng telepono. Sa ikatlong ring ay iniangat niya iyon. “Agustin Enterprises, office of the president. Good afternoon!” “Yssa.” Napalunok siya. Boses iyon ng kanyang mama. At kahit pangalan pa lang niya ang nasasabi nito ay halos alam na niya ang dahilan ng pagtawag nito. Bihirang tumawag ang kanyang ina sa opisina. Kung hindi rin lang importante ay makakapaghintay ito na makauwi siya sa sariling town house para doon tawagan. “Mama...” Hindi niya alam kung ano ang susunod na sasabihin. “I sent you an invitation—” “Katatanggap ko nga lang ho.” “Inaasahan kong darating ka, hija. At kung magli-leave ka sa opisina nang ilang araw ay mas mabuti. Matagal ka na rin namang hindi umuuwi.” “Mama—” “Yssa, huwag ka na sanang magtampo kung hindi ka kinuhang abay ni Diane. Ang sabi niya ay para wala na raw pag-usapan ang mga tao. Mabuti na raw na hindi ka kasali sa entourage.” “Mama, that’s not the point.” “Anak, kung ang engagement ninyo noon ni Jonathan ang dahilan, maybe we could forget that thing now. After all, sila na ni Diane ang magpapakasal.” Malalim ang naging pagbunot niya ng hininga. “Yssa, this is an important family affair. Kung ang iniiwasan mo ay ang posibleng tsismis na malikha, I’m telling you, mas lalala ang usap-usapan kung hindi ka darating. They would think you couldn’t accept Jonathan marrying your sister.” Sister. Parang gusto niyang mapangiwi. Kahit kailan ay hindi itinuring ng kanyang ina na ibang tao si Diane. Ganoon din ang tratong ginawa sa kanya ng stepfather na si Roman. Sa loob ng mahabang panahon ay ganoon ang paniwala niya. Para silang tunay na magkapatid. They shared almost everything. Ni hindi sila binigyan ng magkahiwalay na kuwarto para higit pa silang maging close sa isa’t isa. Pero ang magandang samahan nila ni Diane ay nasira nang dumating sa buhay nila si Jonathan. At hanggang ngayon, hindi niya alam kung sino ang higit na dapat na sisihin. Tumikhim siya. “Ayokong mangako, Mama. M-maraming trabaho na hindi ko basta-basta maiiwan.” “Yssa, alam mong hindi ko bibilhin iyan. I’ll wait for you—I mean, we. Why don’t you invite some friends over? Para naman makilala rin namin kung sino ang mga kaibigan mo riyan sa Maynila?” “Sa isang linggo pa naman ang kasal ni Diane. I’ll call you kung darating ako.” At hanggang sa magpaalam ang kanyang mama ay hindi siya nito napilit na mangakong dadalo sa kasalang iyon.

editor-pick
Dreame-Editor's pick

bc

The Father of my Child- (The Montreal's Bastard)

read
160.2K
bc

His Obsession

read
75.1K
bc

The Reborn Woman's Revenge: WET & WILD NIGHTS WITH MY NEW HUSBAND

read
99.9K
bc

Brotherhood Billionaire Series 6: Honey and the Beast

read
69.3K
bc

Playboy Billionaire's Desire (tagalog)

read
1.1M
bc

The Hot Professor (Allen Dela Fuente)

read
20.2K
bc

Pleasured By My Bestfriend's Brother

read
10.7K

Scan code to download app

download_iosApp Store
google icon
Google Play
Facebook