Riri Meets Stranger
I can tell when people are lying.
Gaya ng isang lie detector machine, nakakaramdam ako ng munting boltahe ng kuryente na dumadaloy sa katawan ko sa tuwing nagsisinungaling sa'kin ang taong kausap ko. At kapag hinawakan ko naman ang kamay ng taong nagsisinungaling sa'kin, nababasa ko ang isipan niya sa sa loob ng sampung segundo.
Ang sabi ng mommy ko, enhanced daw talaga ang sixth sense ng mga babae sa pamilya namin. Ayon daw sa family history namin, nagkaro'n ng best friend na witch ang great grandmother namin kaya binigyan niya ng "gift" ang mga ipapanganak na babae sa angkan namin bilang tanda ng pagkakaibigan nila. Hindi daw sigurado si mommy, pero man-hater daw yata ang witch kaya kaming girls lang ang may gift.
Anyway, simula pagkabata, alam ko nang kakaiba ako. Nagkaro'n ako ng experiences na nagtulak sa'kin para itago sa ibang tao ang abilidad ko. Dahil sa kakayahan kong malaman kung nagsisinungaling sa'kin ang isang tao, naging loner ako. Na-realize ko kasi na lahat ng tao sa mundong ito, magagawang magsinungaling. Kahit sa kaibigan, teacher, kaklase, partner, o sa mismong pamilya pa nila.
I can't trust anyone in this world. Not even my own family.
Simula nang ma-discover ko 'to, dumepende na ko sa kakayahan kong malaman kung nagsisinungaling ba ang isang tao sa'kin o hindi para protektahan ko ang sarili ko. Para hindi na uli ako maloko o ma-traidor, gaya ng nangyari noong hindi pa ko nagtitiwala sa abilidad ko.
Natagalan, oo. Pero nasanay din naman ako sa kakaiba kong mundo...
... hanggang sa nakilala ko siya.
Ang nag-iisang tao na hindi ko maramdaman kung nagsisinungaling ba o hindi.
"Sinabi ko nang hindi ako ang bumaboy d'yan sa kotse mo. May ebidensiya ka ba?"
Nakagat ni Riri ang ibabang labi dahil sa frustration. Paanong wala siyang naramdamang kuryente nang sagutin ng lalaking 'to ang tanong niya? Sigurado siyang nagsisinungaling ito. Well, except na lang sa nagustuhan niya ang minty nitong hininga kahit amoy usok din ito. Grr talaga!"Ikaw ba ang nag-vandalize sa kotse ko?"
Bumuga ng hangin ang lalaki at namaywang habang binibigyan siya ng iritadong tingin. "Makulit ka ba talaga o nagpapa-cute ka lang? Paulit-ulit ka na, eh. Sinabi na ngang hindi ako ang gumawa no'n."
Wala pa ring naramdaman si Riri.
Hindi pa pumalya ang abilidad niya at hindi 'yon papalya lalo na sa mayabang na smoker na 'to! Wala na siyang ibang choice. Kahit pinagbabawalan siya ng mga magulang at mga kapatid niya, ginamit pa rin niya ang isa pang espesyal niyang kakayahan.
Hinawakan niya ang kamay ng lalaki na halatang nagulat sa ginawa niya.
"Ikaw ba ang nag-vandalize sa kotse ko?" pag-uulit ni Riri sa tanong niya.
Tumaas ang kilay ng lalaki. "Hindi. Ako. Ang. Nag-vandalize. Ng. Kotse. Mo. Klaro na?"
Lalong nainis si Riri. Bukod sa wala siyang naramdaman, hindi rin niya nabasa ang isipan ng buwisit na lalaking 'to. Naguluhan siya. Ngayon lang siya nakatagpo ng taong hindi tinatablan ng abilidad niya. And why did this guy still smell good even if it was clear that he was a smoker?
Naputol ang pagmumuni-muni niya nang yumuko ang lalaki para magpantay ang eye level nila. Nailang siya kasi ang intense tumingin ng mokong! "Miss. Bibitawan mo ba ko, o kakasuhan na kita ng s****l harassment?" Ah, there goes his minty breath again!
Internally, tumili na si Riri sa sobrang frustration. Bakit hindi tumatalab ang abilidad niya sa mayabang, nakakainis, at buwisit na lalaking 'to?
Just who is this person?