Chapter 1: Betrayal.
Chapter 1: Betrayal.
Written By: CDLiNKPh
You're the voice I hear inside my head
The reason why I’m singing
I need to find you
I have to find you
IYON ang pumapailanlang na liriko ng kanta sa bar na iyon. Kasalukuyan lang naman akong hinaharana ni Jeremy. Ang love of my life ko na halos high school pa lang ako ay lihim ko nang minamahal.
Hindi ko akalain na darating ang oras na ito na magkakagusto rin siya sa akin. Pakiramdam ko ay nananaginip lang ako at ayaw ko nang magising.
You're the missing piece I need
The song inside of me
I need to find you
I got to find you
Lumapit siya sa akin at halos nagtitilian pa ang mga kaibigan ko sa paligid. Kinikilig din sila para sa akin. Alam kasi nila kung ano ang katakot-takot na pagpapaganda ang pinagdaanan ko para lang mapansin ako ni Jeremy.
Hindi kasi ako kagandahan noon. Isa lang ako sa ilang babaeng nangangarap at naglalaway kay Jeremy mula sa malayo. Dahil nga sa gwapo ay habulin ng mga babae si Jeremy. Kahit pa mga binabae ay nagkakagusto sa kanya.
Ilang ilang taon na ang nagdaan na naging magkaklase kami pero parang hindi man lang ako nag-e-exist sa mundo niya. Isa lang akong ordinaryong kaklase na dinadaan-daanan lang niya. Ni hindi ko nga alam kung alam ba niya ang pangalan ko noon.
Kaya naman nagpaganda ako ng bongga-bongga. Pinaayos ko ang ngipin ko, pinabunot ang lahat ng bulok at nag-pa-brace pa para lang magpantay ang kumikutikutitap kong ngipin. Nagpa-curl pa ako ng buhok at kinulayan pa ito kahit na halos lumuha ako ng dugo sa sobrang paninibugho nang makita ko na para na akong hilaw na amerikana. Wala na talaga ang itim na itim kong buhok. Maputi pa naman ako kaya nagmukha talaga akong hilaw. Pero alam kong kailangan kong gawin iyon dahil mas gaganda raw ako sa ganito.
Nagtiis din ako na ipa-wax ang kili-kili ko para hindi tumubo agad ang buhok at halos ibabad ko na rin sa tawas araw-araw para manatiling maputi.
Pinilit ko ring baguhin ang sarili ko. Kung noon ay palaging nakapuyod ang buhok ko, ngayon ay palagi na itong nakaladlad. Pati ang kilay ko, palagi na ring ahit. Naglalagay na ako ng make-up at lipstick at nagsusuot na rin ako ng maiikling damit na kita pa ang dibdib.
Lahat ng ito ay ginawa ko para lang kay Jeremy. Pero alam ko namang kahit napakaganda ko na ngayon ay marami ring "magaganda" ang handang gawin ang lahat para sa crush ng bayan at lead vocalist ng bandang Drop Dead Resonant.
Pero isa lang ang magsasabi ko. Hinding-hindi ako magpapatalo sa kanila.
Kaya sino ang mag-aakala na sa huli ay ako rin ang magugustuhan ni Jeremy? Sa sobrang pagnanais ko na magustuhan niya ako ay kuntodo parinig ako na binabanggit ko ang pangalan niya kapag may kasama akong mga kaibigan.
Halos ikwento ko na rin sa buong bayan na crush ko siya para makaabot sa kaalaman niya na gusto ko siya.
At iyon na nga, nagulat na lang ako isang araw na nalaman kong hiningi niya ang number ko sa kaklase ko. Halos mapatalon ako noon sa kinauupuan ko at mailuwa ko ang kinakain ko nang mabasa ko ang simpleng message niya na "hi" at simula noon ay naging textmate na kami at halos minu-minuto at bawat galaw na nga lang yata ng bawat isa ay sinasabi na namin pa sa isa't-isa.
"Serenity, would you like to be my girlfriend?" Iyon ang naging tanong niya nang lumapit siya sa akin na ang akala mo e, nag-po-propose na ng marriage. Gano'n siya ka-sweet!
"Yes!" Wala nang keme-kemeng sagot ko!
Bakit kailangan ko pang magpakipot kung doon din naman ang bagsak niyon? Mahal na mahal ko siya at wala na akong balak na pahirapan pa siya.
Nang tumayo si Jeremy ay lumalalim ang biloy sa pisngi niya at tumambad ang parang perlas na mapuputi at makikintab niyang ngipin.
Napa-gwapo talaga ni Jeremy lalo na kapag ganoong litaw na litaw ang dimple niya. Pakiramdam ko ay talagang kumakabog ng malakas ang dibdib ko lalo na no'ng bigla niya akong yakapin. Pakiramdam ko ay ako na ang pinakamaligayang babae sa balat ng lupa!
Nagpalakpakan ang mga tao sa paligid. Parang tipikal na eksena sa pelikula na may happy ending. Para bang wala nang katapusan na maliligayang sandali...
-----
NAGING BOYFRIEND ko na nga si Jeremy. Ang saya-saya ng mga unang buwan ng relasyon namin. Palagi kong hinihiling na sana ay wala nang maging katapusan ang masayang relasyon namin. Sweet naman kasi siya.
Palagi nga siyang nagbibigay ng chocolates sa akin na alam niyang paborito ko. Punong-puno na rin ng iba't-ibang stuffed toys ang kwarto ko at close pa siya sa pamilya namin. Tuwang-tuwa ang daddy ko dahil ang akala nila ay sa aming apat na magkakapatid na babae ay ako ang pinakahuling magkakaroon ng boyfriend.
Sobrang nerd ko naman kasi noon. Pero sa aming apat ay ako pa pala ang mauuna. Masaya pa sila na isang katulad pa ni Jeremy ang unang naging boyfriend ko.
Sa pisikal na kaanyuan ni Jeremy ay wala na akong masasabi. Gwapo kasi siya. Matangos ang ilong at may katamtamang kapal ang labi. Makapal ang kilay niya at may bahagya pa iyong hati kaya mas lalo lang siyang nagkaroon ng bad boy look na mas nagpapalakas lalo sa s*x appeal niya.
Long hair din si Jeremy kaya mas lalong cool siyang tingnan. Kahit na mahaba ang buhok niya na hanggang bewang ay hindi siya nagmumukhang babae at machong-macho pa rin siyang tingnan. Mas mahaba pa nga ang buhok niya sa akin na hanggang balikat lang. Maganda pa ang built ng katawan niya na alaga sa gym. Kapag nga naghuhubad siya ng pang-itaas na damit ay nagtitilian pa ang mga malalanding babae sa bar.
Pero ang higit na nagustuhan ko sa kanya ay ang ganda ng boses niya. Weakness ko kasi talaga ang mga lalaking magaganda ang boses. Dancer ako sa school kaya may talent naman sa pagkanta ang lalaking gusto kong maging boyfriend.
Pakiramdam ko kasi ay astig para sa mga lalaki ang magaling kumanta. Kaya naman halos sambahin ko siya dati.
Perfect boyfriend si Jeremy. Mabait, matalino, talented at sweet. Halos lahat ng gusto ko ay binibigay niya sa akin. Nilalambing niya ako kapag nagtatampo ako. Minsan nga, kahit ako pa ang may kasalanan ay siya pa rin ang humihingi ng sorry. Kaya naman sobra ang pagmamahal ko sa kanya na humantong pa pati sa pagbibigay ng bataan ko sa kanya. Oo, may nangyayari na sa amin. Alam ko na hindi pa kami kasal pero sigurado na kaagad ako sa kanya kaya handa na akong ibigay ang lahat-lahat dahil para sa akin ay siya ang lalaking matagal ko nang pinangarap. Natatakot ako na baka kapag tumanggi ako sa gusto niyang mangyari ay baka iwan niya ako at hinding-hindi ako papayag na mangyari iyon.
Nasa pangatlong buwan at ikaapat na buwan na kami nang mapansin ko na parang unti-unti ay nanlalamig na sa akin si Jeremy. Hindi na siya ng katulad dati na maya-maya ay tinetext ako.
Noon, halos oras-oras o minu-minuto ay ti-ne-text niya ako. Pero ngayon, parang isang beses na nga lang yata sa isang araw at hindi pa siya mag-te-text kung hindi ako ang magpapaulan ng sangkatutak na text.
Bihira na lang din kaming magkita. Palagi niyang sinasabi na busy lang daw siya kapag tinatanong ko kung ano ang dahilan at parang iniiwasan niya ako. Magpapakita nga lang yata siya kapag parents ko na ang nagyayaya sa kanya sa bahay, e. Hindi ko naman masabi sa pamilya ko may problema na sa pagitan namin. Napapansin ko rin kasi na iba na si Jeremy. Kapag may nangyayari sa amin ay hindi ko na maramdaman iyong love and passion.
Pakiramdam ko ay purong s*x na lang talaga ang namamagitan sa aming dalawa.
Hanggang sa isang araw ay naisipan kong sorpresahin siya noong birthday niya. Nagdala pa ako ng cake at dalawang pirasong heart na balloon para sa aming dalawa. Pero ako pala ang ma-so-sorpresa imbes na siya. Dahil nakita ng dalawang mata ko kung paano silang maghalikan ng babaeng mukhang sawa na nakalingkis sa leeg ng boyfriend ko!
"Ano'ng ibig sabihin nito, Jeremy?!" sigaw ko nang makita ko silang dalawa.
Biglaan namang naghiwalay ang dalawa na parang nakakita ng manananggal dahil bigla na lang akong sumulpot sa likuran nila. Parang ang pakiramdam yata kasi nila ay sila lang ang tao sa mundo samantalang public place ang bar na iyon kahit pa ba sabihin na maaga pa at hindi pa madilim para buksan ang panggabing bar.
"Serenity?"
"Ano sabing ginagawa ninyo?!" galit nang sabi ko.
Lumapit naman agad si Jeremy at hinawakan ako. "Let me explain—“
"Kaya ba nawawalan ka na ng gana sa akin nang dahil sa kanya?"
"Serenity, hindi naman sa gano'n pero—"
"Mamili ka, Jeremy! Siya o ako?!" Alam ko sa sarili ko na nakakatakot ang tanong na iyon. Dahil sa hitsura ni Jeremy ay hindi ko alam kung ako pa ba ang pipiliin niya.
Siya ang lalaking pinangarap ko. Kaya hindi ko alam kung kakayanin ko ba kapag iniwan na ako ng kaligayahan ko. Pero kailangan kong tanungin si Jeremy. Kailangan kong harapin ang takot ko kung ayaw kong habang buhay akong magmukhang tanga.
Nanahimik si Jeremy. Pagkatapos ay yumuko siya. Para akong namatayan nang bigla niyang binitawan ang pagkakahawak niya sa akin at pinuntahan niya ang babaeng nakatingin sa amin kanina na hinahalikan niya.
"I'm sorry, Serenity pero matagal ko nang gustong sabihin ang totoo sa 'yo. Matagal ko nang gustong makipaghiwalay sa 'yo pero inuunahan ako ng awa. Hindi ko kayang saktan ka kaya hindi ko masabi. Pero ito ang totoo kaya sana ay tanggapin mo na lang. Hindi na kita mahal. Si Trixie na ang mahal ko kaya sana ay hayaan mo na lang kaming maging masaya." Umiiyak na rin si Jeremy.
Parang lutang ang utak ko kaya hindi ko namalayan na unti-unti na pala akong nakalapit kay Jeremy. Hindi ko na rin napigilan na tumulo ang luha ko pero tuwid pa rin ang tingin ko na lumapit sa kanya.
"I'm sorry, Serenity. You deserve someone better. You're a good girl kaya alam ko na makakakita ka rin ng lalaking magmamahal sa 'yo—“ Hindi na naituloy ni Jeremy ang sasabihin pa sana niya dahil isa nang malakas na sapak ang pinalasap ko sa kanya na kulang na lang ay humiwalay ang ulo niya sa katawan niya.
Natumba pa siya at nakalupasay na siya ngayon sa sahig. Mabilis naman na nilapitan ito ng babaeng malandi.
"Manloloko! Nasayang lang ang pagmamahal ko sa 'yo! Kahit humingi ka pa ng tawad ay hinding-hingi kita patatawarin!" pagsigaw ko. Lumalabas na ang litid sa leeg ko sa sobrang pagsigaw pero wala akong pakialam.
Nag-angat ng ulo ang babaeng kamag-anak ni Braguda. Tatayo pa sana ito para harapin ako pero nakatikim din siya ng suntok mula sa akin na dahilan para mag-handusay din siya sa sahig.
Dalawang tao na ngayon ang nakahiga sa harapan ko. Dalawang ahas na nag-aanyong tao. Tinapon ko sa dalawa ang inilabas kong cake at tumama pa iyon sa mukha ng dalawa.
Taas-noo na umalis ako sa bar na iyon. Lintik lang ang walang ganti! Gagawin ko ang lahat para lang mapagbayad ang dalawang ahas na iyon sa ginawa nila sa akin!